Walang mayaman, walang mahirap. Walang malakas, o mahina. Walang bata o matanda. Lahat ng tao ay hindi naging ligtas sa banta ng COVID-19. Kaya naman bakas sa bawat indibidwal ang pangamba na baka isa na sa atin ang dapuan nito. Pero liban sa isyung pangkalusugan, naging isyu din ang pinansyal na pangangailangan ng maraming pamilya lalo na’t halos tumigil ang mundo dahil sa pangmalawakang lockdowns na ipinanukala. Siguro isa ka sa mga maswerteng hindi pinroblema ang pinansyal, pero alam mo ba na maraming Pilipino ang sinubok ng mga panahong iyon? Kabilang na dito ang mga komunidad ng Atipan. Ito ay mga lugar na malalayo at marami sa nasasakupan ay walang maayos na mga dokumento upang makaproseso ng mga permit. Sa tulong ng iba’t ibang indibidwal, eksperto, institusyon, ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at higit sa lahat, ng komunidad ng mga Ati, nailunsad ang proyektong Atipan para iparating ang serbisyo ng telehealth. Sa pamamagitan ng teknolohiya, inilapit ng Atipan sa mga Ati at iba pa ang access sa mga doktor, gamot at pasilidad na pangkalusugan. Kinasangkapan din nito ang mga health coordinators na sinanay upang magampanan ang tungkulin sa komunidad. Isa si Dr. Pia Fatima Zamora sa mga kasama sa Atipan na tumutulong sa mga health coordinators at mga miyembro ng komunidad. Bilang telehealth coordinator at ehealth physician, nakikipag-ugnayan siya sa mga doktor at espesyalista na nagbibigay ng konsultasyon sa mga Ati at sa mga health coordinators. Ani Dr. Zamora, ang Atipan ay isa sa mga rason kung saan nakita niya ang kahalagahan ng public health at ang kakulangan nito lalo higit sa mga liblib na lugar. Ang maging parte ng Atipan project ay isa sa mga makabuluhang kontribusyon niya sa field na ito. Kasama ni Dr. Zamora ang 17 na doktor, karamihan ay babae, na matiyaga ding nagbibigay ng oras para sa online na konsultasyon. Bagaman hindi na bago ang telehealth sa kanilang mga doktor, marami pa ring naging pagsubok sa pagsasagawa nila ng konsultasyon. Mahinang signal, di pagsipot ng mga pasyente, at minsan pa nga ay kawalan ng tiwala ang ilan sa mga naging hamon sa kanila. Subalit sa kabila ng lahat, patuloy silang nagsisilbi at minsa pa nga ay higit sa kanilang responsibilidad sa Atipan ang kanilang napapaabot. Ang lahat ng ito ay kanilang nagagawa dahil sa malasakit sa kapwa higit sa lahat sa mga nangangailangan. Naging instrumental din ang kanilang kaalaman sa medisina sa pagdisenyo ng kabuuan ng sistema at teknolohiyang binuo para sa Atipan. Ayon kay Dr. Zamora, sila ay kinonsulta upang maisalin sa digital na porma ang mga ginagamit nila sa pagsasagawa ng check-up sa pasyente. Kanila ring sinanay ang mga health coordinators upang maging pamilyar ang mga ito sa iba’t ibang basic na mga terminolohiya sa medisina at sa pagsasagawa ng basic na check-up gaya ng pagkuha ng temperatura, blood pressure at iba pa. Ngunit, sila rin ay sumailalim sa iba’t ibang pag-aaral gaya ng cultural sensitivity training upang mas makilala ang mga komunidad na kasama sa Atipan. Ang layon nito ay upang maging maayos at tama ang kanilang pakikisama sa mga Ati. “We hope to really sustain it to reach more communities na underserved din. And for that to happen it needs to be institutionalized in a way at pagtuunan ng pansin…”, ani Dr. Zamora. Hindi matatawaran ang kanilang pagiging bahagi ng Atipan. Tunay na buhay pa ang diwa ng bayanihan at nagpapatuloy ito hangga’t may mga indibidwal o grupo na handang makipagkatuwang sa mas nangangailan upang pareho nilang mapagbuti pa ang kaalaman at karanasan sa larangang tinatahak. Ang Atipan ay isang proyekto na binubuo ng iba’t ibang institusyon, ahensya, grupo at indibidwal na may layong maghatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga piling komunidad sa rehiyon ng Visayas. AuthorAng artikulong ito ay parte ng serye ng mga istorya tungkol sa Atipan Project - Center for Informatics University of San Agustin Iloilo at mga indibidwal na nagrerepresenta ng mga sektor na kabilang sa proyekto. Isinulat ni Issa Paulmanal, isang graduate student mula sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. email: [email protected]
0 Comments
Leave a Reply. |
Archives
November 2023
Categories
|